Makulit. Parang ako, pag may tama, may tama talaga. Ewan ko ba, pero noong sinabi mo sakin na hindi ka iinom ng gamot kasi hindi ako uminom ng gamot ng maysakit din ako, eh imbes na magalit eh natawa ako. Para kang bata, isang kyut na kyut na bata. Lahat ginagaya sakin. Nanghihimok ng atensyon mula sakin. Wala naman akong magawa kundi ang bigyan ka ng atensyon, na may kasamang paghanga at pagmamahal…
Minsan naiisip ko pa rin kung pano naging tayo. Parang hindi ko na matandaan kung ano ang itsura natin ng magkaibigan pa lang tayo. Masyado na kasing natatakpan ng mga magagandang alaala natin na magkasama tayo ang mga nakaraan nating bilang magkaibigan. Maski ngayon hindi pa rin ako makapaniwala… Hindi ka dapat sakin pero heto ka at minamahal ako. Nang dahil sayo naniwala ako na may destiny, may isang Banal na Kamay na gumagabay sa bawat isa sa atin, itinuturo ang magiging kasama natin, at inihihiwalay ang mga posibleng sumira sa ating buhay. Ang galing. Hanggang ngayon nalulunod pa rin ako sa mga panahon, mga araw na pinagdaanan natin… Nakakatuwa isipin. Sino ba ang mag-aakala di ba?
Naalala mo noon, inakbayan pa kita noon sa harap ng mga kaklase natin. Niloloko kasi natin sila na tayo na. Na nagkatuluyan tayo. Inakbayan kita, pumayag ka, nakisakay ka sa akin. Yun na pala ang senyales na ipinaparating satin ng Nasa Taas na balang araw ang akbayang yun ay magiging totoo. Magkakaron ng ibig sabihin. Magkakaron ng kulay.
Malambing. Masaya. Matatag. Sa iyo ko nakukuha ang lakas ng loob na taas-noo kong haharapin ang buhay. Pag wala ka para akong isang makahiyang nasaling at hindi na bumuka. Para akong halamang nababad sa araw. Isa akong katawan na walang kaluluwa. Ikaw ang nagbibigay sakin ng pag-asa. Ang galing, kasi noon hindi ko naiisip ito at hindi ko naiisip na ikaw ang pagsasabihan ko nito.
Salamat. Minahal moko kahit ganito ako. Tinanggap mo ang buo kong pagkatao. Pwedeng sabihin ng iba na bulag ka, pero ewan ko, kaya mo namang ipagtanggol ang ginagawa mo, kaya mong bigyan ng rason ang lahat ng desisyon mo. Dyan ako humahanga sayo. Lalo kang napapamahal sakin.
Alam mo ba kung bakit lagi kitang tinitignan. Dahil sa mga ito. Uulitin ko, hindi pa rin ako makapaniwala na akin ka at sa iyo ako. Naghalo na ang paghanga, pagmamahal, at paggalang. Hindi ko masabi lahat, hindi ko sila mapag-isa at sabihin kung gaano kita kamahal. Hanggang tingin na lang ako. Kasi, alam ko, na pag tumingin ka pabalik sa akin, alam mo na agad ang ibig kong sabihin. Mahal kita. Nahihiya ka man, Naiilang ka man, wala akong tigil na titingin sayo. Kasi mahal kita. Humahanga ako sayo.
Naghanap ako sa iba’t ibang sulok ng mundo, sa tabi ko lang pala makikita ang magiging kasama ko. Ikaw yun. Lagi kong hinihiling na sana ito na. Na sana tayo na kahit kelan. Kasi hindi ko na alam kung san pako maghahanap, kung wala ka na sa tabi ko. Hindi ko na alam kung maghahanap pako…
Salamat.
*kilala mo na kung sino ka, Mahal kita.
