Pag naglakad ka sa daanan ng Hong Kong, o maski na sa Bangkok, dalawa lang ang pwede mong makasalubong - Foreigner o Pinoy. Kasi ibig sabihin nun, hindi kayo marunong umintindi ng Cantonese o ng Thai - At nakikita mo na lang na naghahagikhikan ang mga ‘native’ doon kasi sa ‘No Jaywalking’ kayo dumaan. Malas.
Hindi ko maikonek ang nasa itaas sa title ng blog na ito. Naisip ko lang bigla. Pasensya tao lang. Anyway, para sa mga hindi pa pamilyar (sadyang ayaw lang or talagang nasa malayong lugar lang) ang Ayala (official name: Ayala Avenue), ay isa sa mga high-profile na daanan, kalye, avenue, boulevard, highway wateveryoucallit dito sa Pilipinas. Nakalinya kasi rito ang mga multinational companies, mga nagtataasang mga gusali, at mga kainan. At! Added attraction ang mga nagagandahang dilag na nagtatrabaho sa mga nagtataasang gusaling yaon.
Naisip kong magsulat ng artikulong ito dahil ako ay maituturing na bagong salta sa dynamic at mala-tinedyer na lugar ng Ayala (ang mala-matanda naman na lugar ay inaattribute ko sa Buendia, hehehe).
Dati kasi, pag sinabi mo sakin ang Makati, o kaya ang Ayala, ay para akong pusang nakakita ng aso - AYOKONG MAGTRABAHO SA MAKATI. Ito ay dahil sa limang dahilan:
- Malayo
- Trapik
- 4. 5. - Ulitin ang bilang 1 at 2.
Pero buti na lang at andyan ang kaibigan kong LRT - kaibigan ko na sya kasi hindi na sya gaanong kasiksikan, dahil ang lahat eh hindi na makaalis sa MRT para lumipat. At dahil malapit na para sa akin ang LRT, eh kaya kong pumunta mula sa aking lugar (ako po ay nasa St. Andrews Field nakatira - sa tagalog San Andres Bukid) papuntang Makati sa loob lamang ng ***dyandyararannnn*** 10 minuto - Chartered and LRT na yan. Pero sa totoo lang, sa loob ng 30-45 minuto ay nasa Gil Puyat Station nako. laking ginhawa pa dahil may pagkakataon pakong makaupo - Hindi tulad sa MRT na kulang na lang ay maging si Garfield stuffed toy ka nakadikit sa salamin ng kotse, van o di kaya ay jeep dahil sa pagkakasiksik.
Magpatuloy tayo.
Nakakarating ako sa Ayala ng mga 1 oras 15 minuto, kasama na ang pagmumuni muni dun at paminsan minsang pagkakatisod sa mga bato at sanhi na rin ng hindi ko pagtingin sa dinadaanan ko. Samakatuwid, hindi ako gaanong kumakain ng oras sa paglalakbay, pagtawid ng dagat, pagkain ng apoy… Imahinasyon ko lamang ang nahuli.
Isa pang atraksyon sa Ayala ay ang - tulad ng nasabi ko sa taas - mga nagagandahang dilag na nagtatrabaho sa mga nagtataasang gusali na yari sa yantok at palochina. Busog ang iyong mga mata sa mga makikita mo dun… Halos lahat na ng klase ng tao ay andun na sa Ayala - Amerikano, Pranses, Aleman, Norwehiyano (imbento ko lang yan), Hapon, Taiwanese, Intsik, Bumbay, Sri Lankan, Nepalese, Tamil, Afghan, Taliban, Al Qaeda. Halos lahat ng maisip mo. Kaya kulang na lang ay ang kantang ‘We Are the World’ at kumpleto na ang isang obra maestrang music video. Siyempre pa meron din mga Pinoy. Dahil ang Ayala Avenue ay nasa Makati at ang Makati ay nasa Maynila at ang Mayni - nagets nyo naman di ba?
Ang isa pang atraksyon sa Ayala ay ang pagkain. Opo, pagkain. Ay hindi po, hindi ito tulad sa pabrika ni Willy Wonka kung saan lahat ng bagay ay gawa sa kendi o tsokolate (ang mga inodoro kaya sa pabrika ni Willy Wonka ay gawa sa tsokolate? Eh di… nebahmaynd). Kundi, marami kang makikitang mga kainan, restawran, pisbolan, tong-itan… Oops, tuloy tayo, na nakapaligid sa Ayala. Dahil nga sa dami ng nagtatrabaho doon, eh marami rin siyempre ang naghahanap ng pampalipas ng kalam ng sikmura at sakit ng ulo sanhi ng pagkagutom.
Ang jollijeep ang pinakapamosong kainan sa Ayala. Ang pinagsimulan ng salitang Jollijeep ay hango sa pangalan ng karibal ni Ronald McDonald dito sa Pilipinas - Ang Ping Ping Lechon. Ay mali. Sa totoo lang, hindi ko alam ang pinagmulan ng salitang Jollijeep. Marahil may isang bibong nagtatrabaho noon sa Makati na pagkagat nya sa manok na binili nya eh lasang Chicken Joy, at napasambit na lang ng "Mmm… Ang Sarap! Lasang Chicken ng karibal ni Ronald McDonald!" Kaya mula noon ay naging Jollijeep na ang… well.. Jollijeep.
Maraming putahe ang inihahain sa Jollijeep. Merong Lengua Estofada, Morcon, Paella, Blue Marlin at Calamares. Pero siyempre imbento ko lang ang mga ito. Masasabi ko lang eh halos lahat ng ordinaryong ulam sa Pilipinas (huwag na sigurong isama ang Papaitan at Kinilaw) eh matatagpuan mo sa Jollijeep. May sinigang na baboy, Pinecpecan, Pinat Britol… atbp.
May nagsabi sa akin minsan na may masarap na sisig daw sa may bandang Rada. Yung pangalawang jollijeep yun na hindi nauubusan ng tao kada tanghali. Tama nga yung nagsabi sa akin. Hindi nga nauubusan ng tao doon kada tanghali. At, mga kaibigan, parang bangko ang partikular na Jollijeep na ito - Bago ka pumasok ay kakapkapan ka ng mga guwardya kung ikaw ay may dalang tinidor o kahit anong kubyertos para mapantusok mo sa mga ulam nila. Tapos, bibigyan ka ng number. Mauupo ka sa isang tabi at hihintayin mo ang numero mo para tawagin, at saka ka oorder ng sisig. Guwardyado ang mga sisig na ito. Protektado ng time delay lock. Kung saka-sakali kasing mag alburoto ang mga tao, eh at least safe ang mga sisig sa kaha de yero.
Tunay ngang masarap ang sisig nila. Sa sobrang sarap eh naghihinala na ako na baka nilagyan nila ito ng ginayat na dahon ng marijuana. Kasi sa tuwing kakain ako nag-iiba ang paligid, nagiging makulay pero kulay pink. At lahat ng nakakakasalubong ko eh naka ‘peace’ sign sa akin at kelalaki ng mga nakasabit sa leeg. Ewan ko ba.
Sa gabi naman. Ang Ayala Avenue ay puno ng ilaw. Ay hindi po, hindi po sila tulad ng Cubao o kaya ng Pasay na ibang ilaw ang kumukutikutitap doon. Mga gusali po ang ibig kong sabihin. At ngayong pasko, lalo pang tumingkad ang nasabing lansangan dahil na rin sa mga christmas lights, lantern lights at Marlboro lights.
Eto na muna ang maibabahagi ko sa inyo tungkol sa Ayala. Dati ko syang kinasuklaman (tulad ng ginawa ni Nora Aunor sa eksenang "My brother is not a pig…ro mix"), eh ngayon ay nagugustuhan ko na. Ang hiling ko lang eh sana lalo pang magkabuhol buhol ang trapik para lehitimo na ang pagkasuklam ko.
Susunod: Pegasus 101 at ang adbentyurs ni Boy Bastos.
Babala: Ang lahat ng mga pangalan, lugar at mga bagay na nabanggit ay mga kathang-isip lamang. Ang pagkakapareho nito sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Kaya mangyari lang po na huwag nyo akong sisihin sa pagkamatay ni Rizal, sa pagkapanalo ni Pacquiao o di kaya’y ang pagaalburoto ni Miriam dahil sa pagkakalaglag nya sa nominasyon sa pagiging punong mahistrado. Salamat po.
